Official Website of the Municipality of Daet Camarines Norte

LIBRENG KASANAYAN SA PAGLINANG NG PRODUKTONG PINYA, MULING INIHANDOG NG LGU DAET!

LIBRENG KASANAYAN SA PAGLINANG NG PRODUKTONG PINYA, MULING INIHANDOG NG LGU DAET!

Mahigit tatlumpung (30) indibidwal mula sa ibat ibang panig ng bayan ng Daet ang nabigyan ng libreng skills training sa pag gawa ng Pineapple Candy ng Lokal na Pamahalaan ng Daet sa pamamagitan ng Negosyo Center at sa pakikipagtulungan ng Camarines Norte State College – College of Business and Public Administration at JCI Daet Bulawan.

Isinagawa ang nasambit na pagsasanay sa Productivity Enhancement on Food Processing Shared Service Facilityng CNSC kahapon kung saan tumayo bilang trainer si Chef Roy B. Resurreccion.

Ganadong nakinig at nakilahok sa mismong demo ang mga partispante na pawang mga kababaihan na nagmula sa ibat ibang sektor/grupo ng komunidad tulad ng mga senior citizens, MSMEs, PWDs, solo parents at iba pa.

Nabatid na hindi lamang ito ang unang pagkakataon na nagsagawa ang Negosyo Center Daet ng skills training kung saan nalilinang at nabibigyang inobasyon ang ipinagmamalaking produktong Formosa ng bayan ng Daet kasabay ng pagdaragdag sa kaalaman at kasanayan sa mga indibidwal na lumalahok sa pagsasanay.

Magugunitang kamakailan lamang ay nagsagawa na rin ng kahalintulad na pagsasanay ang Negosyo Center Daet sa pag gawa naman ng sabon, body wash at shampoo gamit rin ang produktong pinya na ipinagmamalaki ng bayan ng Daet.

Kaugnay nito, nagpasalamat si Negosyo Center Daet Manager Ma. Eliza H. Llovit sa mga organisasyon/samahan tulad na lamang ng CNSC-CBPA at JCI Daet Bulawan sa tulong at suportang ipinaabot ng mga ito upang maging matagumpay ang naturang gawain.

Hindi rin nakalimutang magpasalamat ng mga trainee sa kanilang naging trainer, sa CNSC, sa JCI Daet Bulawan lalung lalo na sa Negosyo Center at LGU Daet sa pamumuno ni Mayor Benito Ochoa sa libreng kaalamang kanilang maiuuwi at pwedeng magagamit sa pagsisimula ng maliit na negosyo.

http://camnortenews.com/

Please follow and like us:
0
Close Menu